Powered By Blogger

Observing,commenting, writing things as seen by the naked eye.

My photo
Noel Mabuting was born on December 09. 1971 in Barangay Ipilan Tayabas, Quezon. He served as a barangay kagawad . He was once a managing editor of a college/ community newspaper. As a writer, his passion is about environment and natural resources, music and literature, politics and the use of alternative/ natural method of healing.

Friday, March 27, 2009

Ang Pagkakamali ni Manny Pacquiao

Ginulantang tayo kamakailan ng isang kontrobersiya tungkol sa kasunduang binali ng Pambansang Kamao. Ang dahilan, pumirma siya ng kasunduan sa higanteng ABS- CBN na naglalayong ang ABS- CBN ang magpalabas ng nalalapit niyang laban kay Ricky Hatton sa darating na Mayo 2,2009.

Subalit agad na pumiyok ang Solar Sports na nagsasabing balido pa ang kontrata ng kompanya sa pagsasa-ere ng laban ni Paquiao hanggang 2011. At nagbanta pa ito na dadalhin sa korte ang nasabing usapin. Sa kasagsagan ng nasabing kontrobersiya ay tumulak patungong Amerika ang mga top brass ng Solar at GMA upang makipagpulong kay Manny Paquiao at malinawan ang gusot na kanilang hinaharap.

Nang magkausap na ang dalawang panig ay nagkaayos na sila at ang huling desisyon, Solar na ang magpapalabas ng laban nina Pacquiao at Hatton. All's well that ends well.

Heto ang siste, dahil ang pagpirma ni Paquiao ng kontrata sa ABS- CBN kahit di pa tapos ang kontrata niya sa Solar ay televised at ki- nober pa ng kanilang news program na TV Patrol, nang bawiin ni Paquiao ang nasabing kontrata, sinisi pa ni Manny ang ABS- CBN at sinabing wala daw sa usapan na ipalabas ang kanyang deklarasyon na sa ABS-CBN na mapapanood ang laban niya kay Hatton.

At dito na lumabas ang iba't ibang reaksyon ng mga tao. May nagsasabing si Paquiao ay walang isang salita, na ginagamit niya ang kanyang kasikatan upang mag power tripping, na siya ay mukhang pera at kung anu-ano pang mga pagpuna na biglang nagwasak sa kanyang imahe bilang Pambansang Kamao.

Matatandaang hindi lamang ito ang gusot na pinasok ni Manny Pacquiao,  nagkaroon din ng kahalintulad na pangyayari noon sa pagitan naman ng Top Rank ni Bob Arum At Golden Boy ni Oscar Dela Hoya.

Mukhang lumalaki na ang ulo ni Pacquiao, umakyat na ang hangin sa kanyang ulo, Nalunod na sa kanyang kasikatan ang Pambansang Kamao. Sayang ang pagkakilala sa kanya ng mga tao na isang mabuti at walang yabang na kampeon. Kung tutuusin, hindi na niya kailangan pa ang dagdag na milyones na ini-ooffer sa kanya ng ABS- CBN, marami na siya noon, Siya ay isang kampeon na dapat sana ay nagtataglay ng Palabra de Honor, katangiang dapat taglayin ng isang idolo.

Sana ay hindi pa huli ang lahat para sa isang Manny Pacquiao.
Kung sino man ang nasa likod ni manny sa kanyang mga desisyon, sana ay magising na ang mga ito sa katotohanang si Manny ay may responsibilidad para sa kanyang mga tagahanga, at ito ay ang kakitaan siya ng pagpapahalaga sa kanyang binitiwang salita.

Thursday, March 26, 2009

Ang kultura ng suhol


Hindi na ako nagugulat sa mga resulta ng mga survey na ang Pilipinas ang pinaka- corrupt na gobyerno sa buong Asia o baka nga sa buong mundo.

Bakit kanyo?

Aba,eh, kabikabila ang mga eskandalong kinasasangkutan ng ating mga lider ng pamahalaan,may ZTE, WB road project, hello Garci, Euro Generals, Alabang Boys, Legacy at iba pa na kung ating iisa- isahin ay baka magkulang ang espasyo ng ating kolum.
Pero, bakit nga ba nagkakaroon ng suhulan o mga under the table negotiations sa ating gobyerno? O, kahit sa mga pang-araw araw na gawain sa ating kapaligiran.

Kung mapapansin natin ang suhulan ay nagsimula noon pa ng si Eba sa paraiso ay alukin ng matandang ahas ng karunungan kapalit ang pagkain sa ipinagbabawal na prutas at doon ay nakita natin na ang pagtanggap ng suhol ay may kaparusahan sa dahilang ang mag-asawang Adan at Eba ay pinalayas ng Diyos sa paraiso.

Sa panahon natin ngayon na talamak na ang korapsyon sa paligid, magmula sa pinakamataas na lider ng ating bansa hanggang sa mga Barangay Tanod, maiisip nating meron pa bang taong hindi tumatanggap ng suhol?

Isang nagdudumilat na katotohanan ang kasagutang "wala na."

Naaalaala ko tuloy yung isang patalastas sa telebisyon na kung saan ay inaabutan ng french fries nung tatay ang anak sa ilalim ng mesa habang tinatanong kung sinong mas mahal nung anak, kung yung tatay o yung nanay. 

Ganyan na ba ang ating kultura?

Ang suhulan ba ay nagsisimula na maging sa loob ng tahanan?

Sa panahong ito, hindi mo na mauutusan ng basta ang mga mga bata kung hindi mo bibigyan ng upa o bayad. Ang mga estudyanteng tamad mag-aral ay nagbabayad na lang sa kanilang mga guro ng para sa Special Projects o kung hindi man ay pinabibili na lang ng wall clock o pintura na gagamitin sa paaaralan.

Sa paaralan dapat nagmumula ang  tunay na edukasyon, subalit maging sa loob nito ay napasok na rin ng korapsyon.

Gayundin sa simbahan.

Naalala ko, minsan ay nagsabi ang namayapang Cardinal Sin, na " kahit sa demonyo manggaling ang pera ay kaniyang tatanggapin upang may magamit na pera ang simbahan ".

Kanino pa maniniwala ang tao na bawal ang tumanggap ng suhol kung ang mga puno ng pamilya, mga lider ng pamahalaan, mga guro at maging mga pari ay tumatanggap ng suhol?

Kapag eleksyon, may mga sumisigaw ng " Kunin ang pera, iboto ang kursunada!"

Paano natin masisisi  ang mga pulitiko na magnakaw gayung tayo ang unang tumanggap ng pera noong nakaraang halalan.

Paano natin sila pupunahin?

Eh, kung sagutin tayo ng, "Bayad ka na kaya wala ka ng pakialam!"

Kung minsan, tama rin ang mga sinasabi ng mga pilosopo sa kanto na "walang pulitikong magnanakaw kung walang botanteng matatakaw."

Sa totoo lang, ang mga iyan ay tumakbo na walang "plataporma" kundi  plata (read: pilak, pera) at porma (read: popularidad) kaya hindi natin sila masisisi.

Tayo ang nagkulang, nabulag tayo sa kinang ng salapi at kislap ng kanilang kasikatan.


 

Tuesday, March 24, 2009

Panahon ng Anihan (Harvest season)







Nagkukulay ginto na ang paligid, ang ihip ng hangin ay mistulang bulong ng anghel na nagsasabing "Hayan at nasa iyong harapan ang bunga ng iyong pagpapagal, Anihin mo ang bunga ng iyong pinaghirapan!"

Tirik na ang araw habang binabaybay namin ang kabulusan ng Ipilan, ang destinasyon... barangay Calantas, isang kanugnog na barangay ng Ipilan sa paanan ng Bundok Banahaw, ang layunin, gagapasin na namin ang palayan. Hinog na ang butil ng buhay, ang palay na nagsisilbing tagapagdugtong ng buhay ng bawat Filipino.

Tiningnan ko ang aking orasan, alas otso na ng umaga at nandito pa kami sa may bahay nayon ng Ipilan, kailangang madaliin ang paglalakad sapagkat medyo may kalayuan pa rin ang aming tatahakin. Habang daan ay namamasdan namin ang mga palayang hitik na sa kulay gintong bunga, animo'y kumakaway sa amin, ang mga
 uhay na humuhutok sa kabigatan ng bunga, nakayukod sa pilapil na para bang  naghahandog ng sanlibo't san laksang kaginhawahan.
 Parang kailan lang ng ang mga punlang ito ay matiyagang tinipon at inilatag sa isang kama ng putik upang doon ay pasibulin. At ngayon pagkatapos ng isandaan at dalawampung araw ang punla ay isa ng makisig na halaman na nagtataglay 
ng hindi lamang sampung ibayo ng dami ng bunga, nakahanda upang busugin ang kumakalam na sikmura ng sinumang umaasa sa bigas bilang pangunahing pagkain.

Makalipas pa ang ilang sandali ay sumapit na kami sa ilog ng Bakulaw, 
sa wakas ay isang medyo mataas na pag-ahon na lang sa burol at andoon na kami sa palayan ng aking biyenan. Natanaw ko na ang kulay gintong palayan. Kay gandang pagmasdan ng tubigan sa panahong iyon, wari bang ang malayong  nayon ng Calantas ay muling sumigla sapagkat muling sumaka ang kanyang mga mamamayan, napuno ng kasiyahan ang mga palayan, ang kilos ng mga magsasaka ay waring sumasaliw sa ritmo ng isang musikang tanging ang kalikasan lamang ang makapagbibigay. Ang bawat galaw ng karit ay waring may dalang bagong pag-asa, ang tunog ng hampasan ay nagsusumigaw ng labis na kasiyahan. 

Mainit man ang sikat ng araw ay hindi alintana ng mga magsasaka, walang mababakas na pagkainip sa kanilang mukha bagkus ay ang kaligayahang nadarama ng bawat isa sa pag-asang ang kanilang aanihin ay sapat na upang maipandugtong sa mga pangangailangan ng  kanilang mga pamilya. 

Mga simpleng pangarap, mga kilos na di nagmamadali, mga layuning hindi makasarili, mga ugaling malayung malayo sa kalunsuran, kalikasang hindi madamot sa kanyang mga mamamayan, ang mga katangiang ito ang makikita mo sa panahon ng gapasan, mga taong may pagmamahal sa biyaya ng lupa,  mga simpleng taong hindi mo kakikitaan ng pagkabagot sa kanilang mga gawain. 

Ito ang mga bagay na wala sa magulo at mausok na siyudad. Walang nagmamadali, ang mga tao ay gumagawa ayon sa kanilang kasiyahan. Masaya, may pag-asa, at pagkatapos ng maghapong paggawa, ang mga pagal na katawan ay ihihimlay sa papag na kawayan upang magpahinga at muling salubungin ang panibagong bukas.