Powered By Blogger

Observing,commenting, writing things as seen by the naked eye.

My photo
Noel Mabuting was born on December 09. 1971 in Barangay Ipilan Tayabas, Quezon. He served as a barangay kagawad . He was once a managing editor of a college/ community newspaper. As a writer, his passion is about environment and natural resources, music and literature, politics and the use of alternative/ natural method of healing.

Sunday, April 26, 2009

Malabo Ang Kaunlaran

Ito ay isang tula na sinulat ni Dadong Matinik para sa Ang Pilipino Star Ngayon


Malabo na ngayong umunlad ang bansa

dahil marami na ang taong masama;

Ating nakikitang mayaman at dukha

Laging nasa isip ay magwalanghiya!

Sa gitna ng bukid at mga taniman –

dapat may patubig pero wala naman;

Pera ng gobyerno na doon ay laan

biglang naglalaho’t napunta kung saan!

Mga mayayama’y walang tanging hangad

kundi dumami pa perang nakulimbat;

Sa lahat ng dako sila’y nambibitag

nagpapautang nga patubo ay tambak!

Mga mahihirap nating kababayan

nagpapapawis nga’y pakunwari lamang;

Kapag nakakita ng pagkakakwartahan

magiging kriminal agad susunggaban!

Mga pulitiko’y ginagawang pera

kanilang ambisyon na mahalal sila;

Kahi’t na may kaso at nakapatay pa —

kandidato pa rin sa p’westong maganda!

Mga negosyanteng sobra na ang yaman

hindi kumikilos kung ukol sa bayan;

Sa mga problema’y ayaw makialam

sa takot na sila ay mapagnakawan!

Ang Inang Simbaha’y may sariling misyon

kaya marami na ang walang relihiyon;

Estudyante’t guro’y taliwas ang layon –

nagkukumpetens’ya ang lahat ng sector!

Ang mga scientist nating kababayan

kanilang imbens’yon walang katuturan;

Mga likha nila’y di pakinabangan

pagka’t mga Pinoy gusto’y sa dayuhan!

Mga manunulat, mga peryodista

kanilang suhestiyon nababalewala;

Kaya nga paanong uunlad ang bansa –

gayong tayong lahat ay nakatunganga!

Thursday, April 23, 2009

Noon at Ngayon

May nabasa akong blog ni Arnold Clavio, medyo naka-relate ako sa istorya at pag naalaala ko ito di ko maiwasan ang mapangiti, nakakatuwang alalahanin ang ating kabataan, ang panahon ng kawalang malay sa mga problemang dumarating sa ating pamayanan.

Napakasarap isiping dinanas natin ang mga bagay at pangyayaring ito, Hay... kung maibabalik lang natin ang mga panahong ito.

Eniwey, hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang kwentong ito at kayo na ang maki-relate sa istorya. 

Sigurado ako, masisiyahan kayo dito.

Tara, sabay-sabay nating gunitain ang kahapon at sama-sama tayong suriin ang ngayon para sa mas magandang bukas dahil BLOG ang MUNDO!!!


"Heto ang KAPAYAPAAN na alam natin, noong wala pang KAUNLARAN... 

Si Nanay ay nasa bahay pag-uwi namin galing sa paaralan; 
Walang mga bakod at gate ang magkakapit-bahay, 
kung meron, gumamela lang; 

10 sentimos o diyes lang ang baon: singko sa umaga, singko sa hapon; 
Merong free ang mga patpat ng ice drop: buko man o munggo. 

Mataas ang paggalang sa mga guro at ang tawag sa kanila ay Maestro/a: 

'Di binibili ang tubig, pwedeng maki-inom sa 'di mo kakilala. 

Malaking bagay na ang pumunta sa ilog para mag-picnic, 
o kaya sa tumana;

Grabe na ang kaso pag napatawag ka sa principal's office 
o kaya malaking kahihiyan kapag bagsak ka sa exams; 

Simple lang ang pangarap: makatapos, makapag-asawa, 
mapagtapos ang mga anak... 

Pwedeng iwan ang sasakyan at ibilin sa hindi mo kakilala; 
wala namang lock ang mga jeep  noon. 

Mayroon kaming mga laruan na gawa namin at hindi binili: 
trak-trakan (gawa sa Rosebowl ang katawan at Darigold na 
maliit ang mga gulong, "sketeng" (scooter) na bearing na 
maingay ang mga gulong at de-sinkong pako para sa preno; 
patining na pinitpit na tansan lang na may 2 butas sa gitna 
para suotan ng sinulid (pwede pang makipag-lagutan); 
sumpak, pilatok, boca-boca, borador, atbp. 

'Di nakikialam ang mga matanda sa mga laro ng mga bata: 
kasi laro nga iyon.

Maraming usong laro at maraming kasali: laste, gagamba, 
turumpo, tatsing ng lata, pera namin ay kaha ng Philip 
Morris, Malboro, Champion (kahon-kahon yon!) 

May dagta ang dulo ng tinting na hawak mo para makahuli tutubi, 
nandadakma ka ng palakang tetot, pero ingat ka sa palakang saging 
dahil sa kulugo;

Butas na ang sakong ng Spartan mong tsinelas - suot mo pa rin; 
Namumugalgal ang pundiya ng kansolsilyo mo kasi nakasalampak ka sa lupa. 

Sa modernong buhay at sa lahat ng kasaganaan sa high technology... 
di ba minsan nangarap ka na rin... mas masaya noong araw! 
Sana pwedeng maibalik... 

Takot tayo ngayon sa buhay. Kasi maraming napapatay, nakikidnap, 
maraming addict at masasamang loob... 

Noon takot lang tayo sa ating mga magulang at mga lolo at lola. Pero 
ngayon, alam na natin na mahal pala nila tayo kayat ayaw tayong 
mapahamak o mapariwara... Na una silang nasasaktan pag pinapalo nila 
tayo...

Balik tayo sa nakaraan kahit saglit... 

Bago magkaroon ng Internet, computer, at cell phone. 

Noong wala pang mga drugs at malls. 
Bago pa nauso ang counter-strike at mga game boy. 
Tayo noon... Doon...

Tinutukoy ko ang harang taga o tumbang preso kapag 
maliwanag ang buwan;

Ang pagtatakip mo ng mata pero nakasilip sa pagitan 
ng mga daliri pag nanonood ka ng nakakatakot sa 
"Mga Aninong Gumagalaw" 

Unahan tayong sumagot sa Multiplication Table na 
kabisado na tin, kasi wala namang calculator. 

Pag-akyat natin sa mga puno; 

pagkakabit ng kulambo, lundagan sa kama; 

Pagtikwas o pagtitimba sa poso; 
pingga ang pang-igib ng lalake at may dikin naman 
ang ulo ng babae;

Inaasbaran ng mga suberbiyo; 

Nginig na tayo pag lumabas na ang yantok-mindoro o buntot-page. 

Nai-sako ka rin ba? O kaya naglagay ka ba ng karton 
sa p'wet para hindi masakit ang tsinelas o sinturon? 

Pamimili ng bato sa bigas; 
tinda-tindahan na puro dahon naman; 
bahay-bahayan na puro kahon; 
naglako ka ba ng ice-candy o pandesal noong araw? 

Karera sa takbuhan hanggang maubos ang hininga; 
pagtawa hanggang sumakit ang tiyan; 

Meron pa bang himbabao, kulitis at pongapong? O kaya 
ng lukaok, susuwi at espada? 

Susmaryosep ang nadidinig mo 'pag nagpapaligo ng bata... 
Estigo santo kapag nagmamano. 

Mapagod sa kakalaro, minsan mapalo; 

matakot sa "berdugo" at sa "kapre;" 

Tuwang-tuwa kami 'pag tinalo ang tinale ni Itay kasi may tinola! 

'Yung crush mo?

'Pag recess: mamimili ka sa garapon ng tinapay - 
alembong, taeng-kabayo o biscocho? 

Pwede ring ang sukli ay kending Vicks (meron pang 
libreng singsing) o kaya nougat o karamel; 
Kung gusto mo naman - pakumbo o kaya kariba, 
mas masaya kung inuyat; 

Puriko ang mantika, at mauling na ang mukha at ubos 
na ang hininga mo sa ihip kasi mahirap magpa-rikit ng apoy. 

Madami pa...

Masarap ang kamatis na piniga sa kamay at lumabas 
sa pagitan ng daliri para sa sawsawan; 
ang palutong 'pag isawsaw sa sukang may siling labuyo; 
ang duhat kapag inalog sa asin; 
ang isa-sang isubo ang daliri kasi puno na ng kanin... 

Halo-halo: yelo, asukal at gatas lang ang sahog; 

Sakang ang lakad mo at nakasaya ka kasi bagong tuli ka; 
o naghahanap ka ng chalk kasi tinagusan ang palda mo sa eskwelahan. 

Lipstick mo ay papel de hapon; 
Labaha ang gamit para sa white-side-wall na gupit; 

Naglululon ka ng banig pagkagising; 
matigas na almirol ang mga punda at kumot; 
madumi ang manggas ng damit mo kasi doon ka nagpapahid ng sipon, 'di ba? 
Pwede rin sa laylayan... 

May mga program kapag Lunes sa paaralan; 
May pakiling o upli kang dala kung Biyernes kasi magi-isis ka ng desk. 

'Di ba masaya? Naalala mo pa ba? 

Wala nang sasaya at gaganda pa sa panahon na yon... 
Masaya noon at masaya pa rin tayo ngayon habang ina-alaala iyon... 

'Di ba noon...
Ang mga desisyon ay ginagawa sa awit na "sino ba sa dalawang ito? 
Ito ba o ito?" 'Pag ayaw ang resulta di ulitin: 
"sino ba sa dalawang ito? Ito ba o ito?"... 
Awit muna: Penpen de Serapen, de kutsilyo, de almasen. How how the 
carabao batuten...

Presidente ng klase ay ang pinakamagaling, hindi ang pinaka-mayaman; 
Masaya na tayo basta sama-sama kahit hati-hati sa kokonti; 
Nauubos ang oras natin sa pagku-kwentuhan, may oras tayo sa isa't-isa; 
Naaasar ka kapag marami kang sunog sa sungka; 
kapag buro ka sa pitik-bulag o matagal ka nang taya sa holen. 

'Yung matatandang kapatid ang pinaka-ayaw natin pero 
sila ang tinatawag natin pag napapa-trouble tayo. 

'Di natutulog si Inay, nagbabantay 'pag may trangkaso tayo; 
meron tayong Skyflakes at Royal sa tabi. 

Kung naaalaala mo ito... nabuhay ka na sa 
KAPAYAPAAN!

Monday, April 13, 2009

Buhay ng Kambaser

1988 noon nang una akong matutong maglako ng sarisaring mga paninda mula sa Binondo at Divisoria. Kasamasama ako noon ni Mamo sa kung saan saang lugar sa kalakhang Maynila upang ibenta ang mga abubot na binili ko sa Divisoria.
Noon ko rin nalaman na marami na palang maglalakong Tayabasin sa iba't- ibang sulok ng Pilipinas,
mayroon sa Isabela, sa Baguio, sa Ilocos, sa Cebu at maging sa Iloilo. Ngunit ang konsentrasyon ng maraming kambaser ay sa Maynila partikular sa Banaue sa may Quezon City. Doon naglulungga ang karamihan sa mga kambaser na nagbuhat sa munting bayan sa Tayabas partikular sa Ipilan at San Isidro ZoneII.
Sa Banaue ko nalaman ang pasikot sikot ng pagtitinda, nagsimula akong magtinda ng mga gamit sa sasakyan mula sa pranela hanggang sa mga tools at ng lumaon ay car cover and accessories. Doon ko nakasalamuha ang mga beteranong kambaser na matagal ng nasa Maynila. ang iba ay yumaman na sa ganoong negosyo at ang iba naman ay nanatili sa kanilang pamumuhay.
Sa Banaue ko nakasama si Arnel QueaƱo bagamat matagal ko na siyang kakilala sa Tayabas, isang masipag na binata na walang pinipiling lugar na pagtititindahan at walang pinipiling paninda. Doon ko nakilala ang iba't ibang uri ng tao, may matino, may tarantado, may matapat mayroong tuso. Subalit sa pagdating ng hapon ay masaya kaming umuuwi sa aming tinutuluyan (sapagkat ng panahong iyon dekada nobenta ay wala pang malalaking mall at supermarket kaya maayos aming kitaaan).Magkakaiba ang aming tinutuluyan mayroon sa Balic- Balic at sa Lerma sa Sampalok subalit ako kasama ni Mamo ay sa Krus na Ligas naninirahan.
Sarisaring area(tawag sa lugar na pinagtitindahan) ang mga kambaser, ang mga taga sona dos ay sa sabungan ang mga taga Ipilan ay sa Banaue at ang mga taga Baguio ay sa kahabaan ng EDSA at Katipunan.
Sa ngayon, lumobo na ang populasyon ng mga kambaser na Tayabasin. Halos lahat ng bagong graduate ng high school ay sumabak na rin sa pagtitinda o pagkakambas. At dumami na rin ang mga pamilihan ng mga paninda. Andyan ng magsulputan ang mga Taiwanese sa ibat ibang lugar kung saaan bumibili ang mga kambaser ng kanilang mga paninda.
Waring ang negosyo ng kambas ay mistulang naging industriya na ng mga Tayabasin.
Subalit ang pagdami ng mga manininda at mga pamilihan ay may epekto na rin sa mga mamimili at sa mga kambaser, nandyan na ang pagbaba ng kalidad ng paninda sapagkat ang kalilimitang lumalabas na produkto ay mula sa China(mura pero mahuna) at kung magkaganoon ay ang pagkonti ng mamimili na nagiging dahilan sa pagbaba ng kita ng mga kambaser.
Padami ng padami ang mga kambaser subalit ang lugar na pagtititindahan ay pakonti ng pakonti sinabayan pa ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at ng langis na direktang nakakaapekto sa bulsa ng mga kambaser.
Nag-organisa na ng ilang samahan upang matugunan ang mga hinaing ng mga kambaser subalit magpasahanggang ngayon ay wala pang kongkretong plano at hakbanging direktang magpapaangat ng kalidad ng pamumuhay ng mga kambaser.
Kailangan ng mga kambaser ang tulong ng mga namumuno sa ating lungsod upang mapagaan ang mga pasanin ng nasabing mga tao. Mahigit 30 porsyento ng mga Tayabasin ay mga kambaser kung kayat ang tuluyang pagbalewala sa hinaing ng mga ito ay magdudulot ng pagkalito at kawalang kumpiyansa sa mga namumuno sa ating bayan.
Sa aking mga kasamahang kambaser.....
Patuloy po tayong umasa na may maayos na bukas pang naghihintay sa atin.
Samahan po ninyo akong maipaabot sa mga kinauukulan ang ating hinaing.
Hanggang dito na po lamang at naway kasihan tayo ng maykapal.