Observing,commenting, writing things as seen by the naked eye.

My photo
Noel Mabuting was born on December 09. 1971 in Barangay Ipilan Tayabas, Quezon. He served as a barangay kagawad . He was once a managing editor of a college/ community newspaper. As a writer, his passion is about environment and natural resources, music and literature, politics and the use of alternative/ natural method of healing.

Tuesday, March 24, 2009

Panahon ng Anihan (Harvest season)







Nagkukulay ginto na ang paligid, ang ihip ng hangin ay mistulang bulong ng anghel na nagsasabing "Hayan at nasa iyong harapan ang bunga ng iyong pagpapagal, Anihin mo ang bunga ng iyong pinaghirapan!"

Tirik na ang araw habang binabaybay namin ang kabulusan ng Ipilan, ang destinasyon... barangay Calantas, isang kanugnog na barangay ng Ipilan sa paanan ng Bundok Banahaw, ang layunin, gagapasin na namin ang palayan. Hinog na ang butil ng buhay, ang palay na nagsisilbing tagapagdugtong ng buhay ng bawat Filipino.

Tiningnan ko ang aking orasan, alas otso na ng umaga at nandito pa kami sa may bahay nayon ng Ipilan, kailangang madaliin ang paglalakad sapagkat medyo may kalayuan pa rin ang aming tatahakin. Habang daan ay namamasdan namin ang mga palayang hitik na sa kulay gintong bunga, animo'y kumakaway sa amin, ang mga
 uhay na humuhutok sa kabigatan ng bunga, nakayukod sa pilapil na para bang  naghahandog ng sanlibo't san laksang kaginhawahan.
 Parang kailan lang ng ang mga punlang ito ay matiyagang tinipon at inilatag sa isang kama ng putik upang doon ay pasibulin. At ngayon pagkatapos ng isandaan at dalawampung araw ang punla ay isa ng makisig na halaman na nagtataglay 
ng hindi lamang sampung ibayo ng dami ng bunga, nakahanda upang busugin ang kumakalam na sikmura ng sinumang umaasa sa bigas bilang pangunahing pagkain.

Makalipas pa ang ilang sandali ay sumapit na kami sa ilog ng Bakulaw, 
sa wakas ay isang medyo mataas na pag-ahon na lang sa burol at andoon na kami sa palayan ng aking biyenan. Natanaw ko na ang kulay gintong palayan. Kay gandang pagmasdan ng tubigan sa panahong iyon, wari bang ang malayong  nayon ng Calantas ay muling sumigla sapagkat muling sumaka ang kanyang mga mamamayan, napuno ng kasiyahan ang mga palayan, ang kilos ng mga magsasaka ay waring sumasaliw sa ritmo ng isang musikang tanging ang kalikasan lamang ang makapagbibigay. Ang bawat galaw ng karit ay waring may dalang bagong pag-asa, ang tunog ng hampasan ay nagsusumigaw ng labis na kasiyahan. 

Mainit man ang sikat ng araw ay hindi alintana ng mga magsasaka, walang mababakas na pagkainip sa kanilang mukha bagkus ay ang kaligayahang nadarama ng bawat isa sa pag-asang ang kanilang aanihin ay sapat na upang maipandugtong sa mga pangangailangan ng  kanilang mga pamilya. 

Mga simpleng pangarap, mga kilos na di nagmamadali, mga layuning hindi makasarili, mga ugaling malayung malayo sa kalunsuran, kalikasang hindi madamot sa kanyang mga mamamayan, ang mga katangiang ito ang makikita mo sa panahon ng gapasan, mga taong may pagmamahal sa biyaya ng lupa,  mga simpleng taong hindi mo kakikitaan ng pagkabagot sa kanilang mga gawain. 

Ito ang mga bagay na wala sa magulo at mausok na siyudad. Walang nagmamadali, ang mga tao ay gumagawa ayon sa kanilang kasiyahan. Masaya, may pag-asa, at pagkatapos ng maghapong paggawa, ang mga pagal na katawan ay ihihimlay sa papag na kawayan upang magpahinga at muling salubungin ang panibagong bukas.


2 comments: