Observing,commenting, writing things as seen by the naked eye.

My Photo
Noel Mabuting was born on December 09. 1971 in Barangay Ipilan Tayabas, Quezon. He served as a barangay kagawad . He was once a managing editor of a college/ community newspaper. As a writer, his passion is about environment and natural resources, music and literature, politics and the use of alternative/ natural method of healing.

Wednesday, August 19, 2009

Florante at Laura Buod


Talambuhay ni Francisco Balagtas


Isinilang si Francisco Baltazar noong ika 2 ng Abril, 1788 sa nayon ng Panginay
(Balagtas) Bigaa, Bulakan. Ang kanyang mga magulang ay sina Juan Baltazar at Juana Dela Cruz. Ang pagmamahalan ng dalawang ito ay nagbunga ng apat na supling, sina Felipe, Concha, Nicolasa, at Kiko.
Nabibilang lamang sa maralitang angkan ang mag – anak na Baltazar. Ang kanyang ama ay isang panday at ang kanyang ina ay isang karaniwang maybahay. Si Kiko ay pumasok sa kumbento ng kanilang kabayanan sa ilalim ng pamamatnubay ng kura – paroko at ditto ay natutuhan niya ang Caton, misterio, kartilya at Catecismo.
Ang pandayan ng kanyang ama ay ginagawang tagpuan ng mga kanayon at dito ay naririnig ni Kiko ang mga usapan at pagtatalo tungkol sa sakit ng lipunang umiiral noon. Malaki ang nagawa nito sa kanyang murang isipan.

Palibhasa’y may ambisyon sa buhay, inakalang hindi sapat ang natutuhan sa kanilang bayan kayat umisip ng paraan kung paano siya makaluluwas ng Maynila upang makapagpatuloy ng pag – aaral. Ayon sa kanyang ama mayroon silang malayong kamag – anak na mayaman, na naninirahan sa Tundo at maaari siyang pumasok dito bilang utusan.

Nagustuhan naman ang paglilingkod ni Kiko sa kanyang amo kaya pinayagan siyang makapag – aral. Nagpatala siya sa Colegio de San Jose na noon ay pinamamahalaan ng mga Hesuwitas. Dito’y natutuhan niya ang Gramatika, Latin at Kastila, Fiska, Geografia at Doctrina Cristiana. Noong 1812 ay ipinagpatuloy niya ang kanyang pag – aaral sa Colegio de San Juan de Letran at dito’y natapos niya ang mga karunungang Teolohiya, Filosofia at Humanidades. Naging guro niya si Padre Mariano Pilapil, ang may – akda ng Pasyong Mahal.


Naging tanyag si Kiko sa purok ng Tundo, Maynila sapagkat sumusulat siya ng tula at itinuturing na mahusay na makata. Sa Gagalangin, Tundo ay nakilala niya ang isang dalagang nagngangalang Magdalena Ana Ramos at ito’y napagukulan niya ng paghanga. Noong panahong iyon ay may isang tagaayos ng tula, si Jose dela Cruz na lalong kilala sa tawag na Huseng Sisiw sapagkat kung walang dalang sisiw ay hindi niya inaayos at pinag – uukulan ng pansin ang tulang ipinaaayos ng sinuman. Isang araw ay may dala – dalang tula si Kiko upang ipaayos kay Huseng Sisiw at sa dahilang walang dalang sisiw ay hindi ito inayos ni Jose. Umuwi si Kikong masamang – masama ang loob kayat simula noon ay hindi na siya humingi ng tulong sa makata ng Tundo.

Noong taong 1853, lumipat siya sa Pandacan at doon niya nakilala si Maria Asuncion Rivera. Sa kabila ng mga paalaala at payo ng mga kakilala at kaibigan na magiging mahirap para sa kanya ang pamimintuho sa dalaga sapagkat magiging karibal niya si Mariano Kapule, isang mayaman at makapangyarihan sa pook na iyon, subalit winalang – bahala ang mga paalalang ito, Hindi siya tumugot hanggang hindi nakadaupang – palad si Maria at hindi nga nagtagal at naging magkasintahan ang dalawa.
Palibhasa’y mayaman ginamit ni Nano ang taginting ng salapi upang mapabilanggo si Kiko. Nagtagumpay naman ito. Sa loob ng bilangguan ay nagdadalamhati si Kiko at lalo itong nalubos ng mabalitaan niyang ikinasal na ang pinag – uukulan niya ng wagas na pag – ibig at si Nano. Maraming nagsasabing sa loob ng bilangguan niya isinulat ang walang kamatayang Florante at Laura at buong puso niya itong inihandog kay Selya.


Pagkalabas niya sa bilangguan noong 1838 ay minabuti niyang lumipat sa ibang tirahan upang di na magunita ang alaala ni Selya kaya ang alok na puwesto sa Udyong, Bataan ay buong puso niyang tinanggap. Muling tumibok ang kanyang puso ng makilala niya si Juana Tiambeng, isang anak na mayaman na naging kabiyak niya. Nagkaroon sila ng labing – isang supling, limang lalaki at anim na babae sa loob ng labing – siyam na taong pagsasama nila. Pito ang namatay noong mga bata pa at sa apat na nabuhay isa lamang ang nagmana kay Balagtas.

Dahil sa may mataas na pinag – aralan si Kiko kaya humawak siya ng mataas na tungkulin sa Bataan – naging tagapagsalin, tinyente mayor at huwes mayor de Semantera.


Mainam –inam na sana ang buhay ng mag – anak ngunit nagkaroon na naman ng isang usapan tungkol sa pagkakaputol niya ng buhok sa isang utusan ng isang mayamang si Alfarez Lucas. Sa pagkakataong ito, namayani na naman ang lakas ng salapi laban sa lakas ng katwiran kaya napiit siya sa Bataan at pagkatapos ay inilipat sa piitan ng Maynila. Nang siyay makalaya, bumalik siya sa Udyong at dito nagsulat ng awit, komedya at namatnugot sa pagtatanghal ng dulang Moro – moro na siya niyang ibinuhay sa kanyang pamilya.
Noong ika – 20 ng Pebrero, 1862 si Kiko ay namatay sa Udyong Bataan sa gulang na 74 na taon.

Mga tauhan

§ Florante - tagapagtanggol ng Albanya at isang mabuting anak ni Duke Briseo

§ Laura - anak na babae ni Haring Linseo ng Albanya; iniibig ni Florante

§ Aladdin / Aladin - anak ni Sultan Ali-Adab ng Persya, isang moro na nagligtas at tumulong kay Florante

§ Flerida - kasintahan ni Aladin na inagaw ng kanyang amang si Sultan Ali-Adab

§ Haring Linseo - hari ng Albanya, ama ni Laura

§ Sultan Ali-Adab - sultan ng Persya, ama ni Aladin

§ Prinsesa Floresca - ina ni Florante, prinsesa ng Krotona

§ Duke Briseo - ama ni Florante; Kapatid ni Haring Linceo

§ Adolfo - kalaban ni Florante, tinawag na mapagbalat-kayo; malaki ang galit kay Florante

§ Konde Sileno - ama ni Adolfo

§ Menalipo - pinsan ni Florante na nagligtas sa kanya noong siya ay sanggol pa lamang mula sa isang buwitre

§ Menandro - matalik na kaibigan ni Florante, pamangkin ni Antenor; nagligtas kay Florante mula kay Adolfo.

§ Antenor - guro ni Florante sa Atenas

§ Emir - moro/muslim na hindi nagtagumpay sa pagpaslang kay Laura

§ Heneral Osmalik - heneral ng Persya na lumaban sa Crotona

§ Heneral Miramolin - heneral ng Turkiya

§ Heneral Abu Bakr- Heneral ng Persya, nagbantay kay Flerida.

Maikling Buod:

Ang awit na ito ay tungkol sa magkasintahang Florante at Laura. Si Florante, anak ni Duke Briseo, ay isang magiting na mandirigma sa kaharian ng Albania. Siya ay pinag-aral sa Atenas at doon niya naging kaaway si Adolfo na kaniyang kababayan. Nang umuwi sa Albanya, namuno si Florante at naging matagumpay sa digmaan laban sa mga Muslim. Dahil sa kaniyang kagitingan ay napaibig sa kanya si Laura, ang anak ni Haring Linceo. Habang nasa ibang bayan si Florante, inagaw ni Adolfo ang trono at ipinapatay sina Haring Linceo at Duke Briseo. Dinakip si Florante pag-uwi niya, saka ikinulong at pagkatapos ay iginapos sa punongkahoy sa gitna ng gubat upang kainin ng mababangis na hayop. Ngunit sinaklolohan siya ni Aladin, ang prinsipeng Muslim. Maririnig nina Florante and Aladin ang pag-uusap ng dalawang dalaga na sina Laura at Flerida. Isinalaysay ni Laura na dinala siya sa gubat at tinangkang pagsamantalahan ni Adolfo ngunit siya ay niligtas ni Flerida na kasintahan ni Aladin. Natagpuan ng hukbo na pinamumunuan ni Menandro, ang kaibigang matalik ni Florante, ang apat. Bumalik, ikinasal, at naghari sa buong Albanya sina Florante at Laura habang nagpabinyag, ikinasal, at namuno sina Aladin at Flerida sa kanilang kaharian.

Aralin 1 Kay Selya

Ang araling ito ay nagsasalaysay at naglalarawan ng isang dalisay na pag ibig. Ito’y tungkol sa unang pag-ibig ng may-akda na si Francisco “Balagtas” Baltazar kay Maria Asuncion Rivera na tinawag niyang Selya.

Iniisip ng may-akda ang mga masasayang nangyari sa kanila ni Selya, gaya ng walang hanggang pagmamahalan nila sa isa’t isa, ang larawan ni Selya na guhit sa sintang pinsel na ito raw ay inilimbag ng kanyang puso’t panimdim na kahit kalian ay hindi mananakaw sa kanya at ang mga masasayang pangyayari sa ilog Beata. Nang matauhan siya sa kanyang pag-iisip napaiyak siya dahil sa labis na kalungkutan. Marami siyang tanong sa kanyang sarili na si Selya lamang ang makakasagot nito at naisip rin niya ang mga masasayang nimfas sa ilog ng Bai at ang mga sirena na ang mga tinig ay magaganda. Sinabi ni Francisco na kahit sumakabilang buhay na siya hinahangad parin niya na ang tapat na pag-ibig ay tumagal. Tinagurian niyang M.A.R. at tinawag na Selya ang kanyang unang pag-ibig.

Aralin 2

Puno ng Salita

Ang araling ito ay naglalarawan ng isang gubat at ng isang binatang lalaki na nakagapos sa isang puno.

Inilarawan ang gubat bilang isang madilim dahil hindi makapasok ang sinag ng araw dahil sa mga malalaking puno gaya ng higera at sipres. Ang mga baging naman na namimilipit sa sanga ng kahoy ay puno ng tinik, may bulo ang mga bunga nito na nagbibigay-sakit kapag itoy kinain. Ang mga bulaklak sa nagtayong kahoy ay nakikiayon sa nakakahilong mabahong amoy ng gubat at karamihan sa mga hayop na gumagala rito ay syerpente at tigre na may masasamang loob. Ang gubat na ito ay malapit sa pinto ng Aberno Reyno na pinamumunuan ni Pluto na inilarawan bilang isang masungit at ang kanyang mga nasasakupang lupain ay dinidiligan niya ng tubig na galing sa ilog Kosito na makamandag ang tubig.

Sa gitna ng malungkot na gubat ay may isang lalaking nakatali sa puno, inilarawan siya bilang isang binatang lalaki na maayos ang tindig kahit nakatali na ang kamay, paa’t liig, makinis ang kanyang balat, at ang kanyang pilik-mata’t kilay ay parang isang arko.

Aralin 3

Kaliluha’y Hari

Ang araling ito ay naglalarawan ng kaguluhan na nangyari sa Albanya at kung ano ang naramdaman ni Florante sa mga pangyayaring ito.

Sa gubat na kinalalagyan ni Florante ay walang nakatirang nimfas o harpyas na mahihingian niya ng tulong, kaya naman kinausap ni Florante ang Diyos sa pamamagitan ng padadasal. Ang kanyang mga hinaing ay tungkol sa mga taong masasama at mabubuti ang loob na nakatira sa Albanya at tungkol sa ibang bandila na iwinawagayway sa Albanya. Tinanong niya ang Diyos kung bakit ang mga masasamang tao ang nakakaranas ng tagumpay at ang mga mabubuting tao naman ang nakakaranas ng kamalasan. Sa galit ni Florante nasisi niya ang Diyos sa lahat ng mga nangyayari sa Albanya, kung bakit raw ito pinababayaang mangyari. Alam niya na ang nais ni Konde Adlofo ay ang korona ni Haring Linseo at sabugan ng sama ang Albanya. Kaya naman hiniling ni Florante mula sa makapangyarihang kamay ng Diyos na itapon ang kanyang galit sa mga taong may masasamang loob na nakatira sa Albanya at natanong rin niya kung bakit raw bingi ang kalangitan sa anyang mga sinasabi at kung bakit hindi siya makaranas ng tagumpay sa buhay.

Aralin 4

Ang Panibugo

Ang araling ito ay tungkol sa pagseselos ni Florante kay Konde Adolfo dahil nasa sinapupunan ni Konde Adolfo si Laura.

Sinabi ni Florante sa Diyos na kung gusto niya talaga na siya’y magdusa may hihilingin lamang siyang isang bagay, at iyon ay ipaalala kay Laura na may Florante pang nagmamahal sa kanya na nasa gitna ng sakit at pagdurusa. Si Laura na lamang ang tanging taong natitira kay Florante ngunit sa kasamaang palad nasa ibang kandungan na ito. Nahimatay si Florante dahil sa sakit na kanyang nararamdaman, halos ang kanyang katawan ay puno ng sakit at pagdurusa at kung may makakita man sa kanyang kalagayan ay tiyak na maaawa ito. Ang gubat na madilim at malungkot ay nasasabugan ng libu-libong mga sakit at pagdurusa, na inuulit pa niyang sabihin at isinisigaw na bakit raw nagtaksil si Laura sa kanya na tapat naman ang kanyang hangarin at sumumpa raw si Laura sa harap ng langit na hindi magtataksil sa kanyang pag-ibig kaya ibinigay rin niya ang kanyang pag-ibig dahil wala sa isip niya na pagtataksilan siya ni Laura.

Aralin 5

Halina, Laura Ko

Ang araling ito ay tungkol sa pangungulila ni Florante kay Laura! Ang sabi ni Florante ay katiwala at kasintahan siya ni Laura, hindi raw niya akalain na sasayangin lamang ni Laura ang maraming luha na inalay nito para sa kanya at tinagurian pa siya nito ng “giliw” dahil si Florante ang lunas ng mga sakit na nararanasan ni Laura. Kapag umaalis o inuutusan si Florante ni Haring Linseo na pumunta sa ibang siyudad ay umiiyak si Laura, kapag tinatahi ni Laura ang plumahe ni Florante ay parang korales ang kanyang mga daliri, takot si Laura na masugatan si Florante sa pakikipaglaban, ang baluti’t koleto ay hindi pinapayagan ni Laura na madampi’t malapit sa katawan ni Florante hangga’t hindi niya nasisigurong wala na itong kalawang, pinahihiyasan ni Laura ang turbante ni Florante ng perlas, topasyo’t maningning na rubi, kapag hindi pa dumadating si Florante galing sa ibang siyudad o kahit saan ay hindi mapalagay si Laura dahil akala ni Laura na nasugatan siya at kung may galos lang si Florante sa balat ay labis na ang pag-aalala ni Laura rito at hindi naniniwala si Laura sa isang bagay kapag hindi pa niya ito nasusuri.

Ang lahat ng iyan ay hinahanap ngayon ni Florante habang siya’y nakatali sa puno. Si Laura na lamang ang natitirang magpapaligaya kay Florante ngunit nasa ibang kandungan na ito at ang kanyang lungkot ay umalingawngaw sa buong gubat kaya sa kanyang matinding pagseselos at sakit na nararamdaman ay nahimatay siya.

Aralin 6

Ang Pagdating ni Aladin sa Gubat

Ang araling ito ay naglalarawan ng isang lalaking gerero na pumunta sa gubat upang makalimutan ang masasakit na nangyari tungkol sa kanyang pag-ibig.

Nang dumating ang isang gererong lalaki sa gubat na nakasuot ng putong na turbante na kahanga-hanga at ito ang pananamit ng mga Moro sa siyudad ng Persya. Huminto siya sa kanyang paglalakad at tumingin siya sa kanyang paligid upang humanap ng mapapahingahan at may nakita siyang isang bubong ng kahoy. Umupo siya sa puno ng isang kahoy at doon siya’y umiyak, ipinatong niya ang kanyang ulo sa kanyang kaliwang kamay at tinutop niya ang kanyang noo sa kanan. Tumagilid siya, nagwalang-bahala, tumigil siya sa kanyang pag-iyak at sinabi niya na ang tuwa na nararamdaman niya tungkol kay Flerida ay wala na dahil inagaw na ito ng kanyang ama. Ang sabi pa niya kung hindi raw ang kanyang ama ang umagaw kay Flerida malamang nakikipaglaban na siya ngayon upang ipaglaban ang kanyang mahal ngunit sa di sinasadyang pagkakataon ang ama niya ang umagaw kaya dapat niya itong igalang at inihambing pa siya kay Marte. Sinabi rin niya na talagang makapangyarihan ang pag-ibig dahil kahit anong panganib ang makakaharap, ito’y hahamakin para lamang sa minamahal.

Aralin 7

Duke Briseo: Amang Mapagmahal

Ang araling ito ay nagsasalaysay kung paano walang awang pinatay ang ama ni Florante at narinig ito ng gerero habang isinasalaysay niya ito.

Nang makarinig ang gerero ng iyak ni Florante, siya’y namangha kaya naman sinundan niya kung saan nanggagaling ang boses ng nagsasalita at dumating siya sa pinanggagalingan ng boses at narinig niya si Florante na umiiyak dahil sa pagkamatay ng kanyang ama. Pira-pirasong pinatay ang kanyang ama ni Konde Adolfo. Ang sabi pa ni Florante ang mga kaibigan ng kanyang ama ay nahati sa dalawang parte, may kumampi sa masama at may kumampi sa mabuti ngunit walang magawa ang mga kaibigan niyang hindi bumaliktad sa kanya dahil mapaparusahan lamang sila kapag lumapit sa pira-pirasong katawan ng kanyang ama at hindi man lamang siya nabigyan ng maayos na libing at sabi pa ni Florante na ninanais pa ng kanyang ama na matabunan siya ng bangkay sa gitna ng pagpapatayan at ng hindi mahulog sa kamay ni Konde Adolfo na higit pa sa halimaw ang ugali. Para kay Florante, si Duke Briseo ay isang ulirang ama dahil kahit sa huling sandali ng buhay nito ang kapakanan parin ng kanyang anak ang iniisip at sinabi na Florante na nung mamatay ang kanyang ama ang lahat ng tuwa na kanyang nararamdaman ay nawala sa kanya.

Aralin 8

Ang Morong Nakikinig

Ang araling ito ay tungkol sa isang gererong naghahanap ng tunay na kalinga at pagmamahal ng isang ama.

Nang mapakinggan ni Aladin ang mga daing ni Florante ay agad niyang naisip ang kanyang ama at hindi niya napigilang umiyak. Parang ikinukumpara ni Aladin ang kanyang ama sa ama ni Florante kung paano ito mag aruga ng isang anak. Ang ama ni Aladin ay kilala niya bilang isang sakim at makasariling ama. Inagaw nito ang kanyang kasintahan at nais ng kanyang ama na lumubog siya sa dusa at siya’y mamatay. Namatay ang kanyang ina ng siya’y isinilang kaya naman ang kanyang ama nalang ang nagpalaki sa kanya, ngunit ang pagpapalaki nitoay pawing dusa at sakit ang kanyang nararamdaman.

Aralin 9

O, Laura

Nang matauhan si Aladin sa kanyang pag-iisip sa kanyang ama, narinig niya ang muling pananambitan ni Florante at ito’y tungkol kay Laura. Nagpapaalam siya at sinabi niyang kahit siya’y sumakabilang buhay na mamahalin niya parin si Laura. Hindi pa natapos ni Florante ang pangungusap na ito ay may dalawang leon ng papunta sa kanya at ng nasa harapan na niya ito, ito’y tumigil at mukhang naawa sa kanyang kalagayan. Nagpaalam si Florante sa Albanyang pinaglingkuran niya na ngayon ay pinamamayanan na ng kasamaan, lupit, bangis at kaliluhan. Bata pa lamang si Florante nais na niyang paglingkuran ang bayan ng Albanya. Sa kabila ng lahat ng ito nagpapasalamat parin si Florante dahil sa Albanya niya nakilala ang kanyang magiging kasintahan ngunit sa di inaasahan si Laura ay nagtaksil sa kanya.

Nasa harapan na ni Florante ang papatay sa kanya at mamamatay raw siya na hindi kapiling si Laura at iyon ang pinakamasakit na pangyayari sa kanyang buhay. Umiyak si Florante dahil hindi na niya nakayanan ang sakit na kanyang nararamdaman, narinig ng gerero ang lahat ng pananambitan ni Florante na nakakatakot kaya naman tinunton ni Aladin kung nasaan nanggagaling ang boses na kanyang naririnig. Nang malapit na si Aladin kung saan nandoon si Florante ay nakita niya ang matibay na pagkakatali nito sa puno at bigla siyang umiyak dahil sa awa. Nais ng silain ng mgaleon si Florante ngunit naabutan ito ni Aladin at inusig niya ng taga ang dalawang mababangis na leon at namatay ito.

Aralin 10

Ang Pakikipaglaban ni Aladin sa Dalawang Leon

Nang magtagumpay si Aladin sa pagpatay sa dalawang leon, kinalagan niya kaagad si Florante at siya’y umiiyak habang kinakalagan niya ito. Nakita ni Aladin ang dugo na nunukal sa gitgit dahil sa pagkakatali nito sa puno. Ang ginawa ni Aladin ay inalalyan niya si Florante upang maiupo at kinalong niya ito. Sa pagtitig ni Aladin kay Florante habang ito’y natutulog, si Florante ay biglang gumising at hinahanap si Laura at bumalik ito sa pagkakatulog. Natakot si Aladin na sagutin si Florante kaya pinabayaan niya na lamang ito. Nang muling gumising si Florante nakita niya ang isang lalaki na nakadamit pang Moro at siya’y nabigla, nais sana niyang ilayo ang kanyang katawan kay Aladin ngunit hindi niya ito nagawa dahil mahina pa siya. Sinabi niya kay Florante na ang baya’t sekta nila ay magkaaway ngunit sa pangyayaring ito ay dapat silang maging magkaibigan at sinabi rin niya na siya ay tao lamang na sumusunod rin s autos o batas ng langit kaya naman tinulungan niya si Florante. Nagbuntung-hininga si Florante at sinisi niya si Aladin kung bakit siya nito kinalag sa puno hindi sana ngayon ay payapa na ang kanyang buhay sa loob ng tiyan ng leon dahil mas hinahangad pa ni Florante na mamatay na lamang siya kaya. Hindi napigilan ni Aladin ang umiyak sa mga pinagsasabi ni Florante.

Aralin 11

Ang Pag-aaruga ni Aladin kay Florante

Ang araling ito ay nagsasalaysay kung paano inalagaan ni Aladin si Florante hanggang sa ito’y gumaling at ikinuwento ni Florante ang kanyang pagkabata.

Nang mapansin ni Aladin na gumagabi na sa gubat humanap siya ng lugar upang doon alagaan si Florante at sa unang hinintuan niyang dako ay may nakita siyang isang malapad at makinis na bato at doon niya hiniga si Florante. Kumuha siya ng kanyang kunting baon upang kumain at inalok niya si Florante nito, sa una ito’y umayaw ngunit hindi naglaon ito’y tinanggap rin. Naluwag-luwagan ang kanilang paghihinagpis at nabawasan ang pagkagutom. Nakatulog si Florante sa sinapupunan ni Aladin at hindi natulog si Aladin dahil siya’y natatakot na baka makagat si Florante ng mga masasamang hayop na gumagala sa gubat at kapag nagigising si Florante parang natatakot si Aladin baka may masama ng nangyari rito. Nang magmamadaling-araw ay nahimbing at munting napayapa sa dalang mga problema hanggang nagumaga ay walang binitawang hinagpis at daing si Florante. Lumakas na muli ang katawan ni Florante at dahil sa tuwa ni Aladin ay napayakap siya kay Florante. Tinanong ni Aladin si Florante tungkol sa buhay niya at sinabi ni Florante na ang buhay niya ay puno ng dusa at sakit! Sinabi niya kay Aladin na sana sa Krotona na lamang siya lumaki at hindi nalang sa Albanya, ang ama raw niyang si Duke Briseo ay ang tanungan ni Haring Linseo sa anumang bagay at ito ang pangalawang puno sa sangkaharian, mabait ang kanyang ama at sa katapangan ay siya ang pang-ulo sa siyudad ng Albanya. Ang sabi ni Florante walang mahahalagang nangyari sa kanyang buhay ng siya’y musmos pa lamang, sabi ng kanyang ina ng siya raw ay natutulog sa bahay nila na malapit sa bundok pumasok ang isang ibong pang-amoy ay abot hanggang tatlong legwas sa patay na hayop, mabuti nalang at dumating ang pinsan ng kanyang ina na si Menalipo at pinana niya ang ibon at ito’y namatay. Nang si Florante ay naglalaro sa salas may isang alko na kinuha ang kupidong diyamante sa dibdib niya at ng tumuntong siya sa siyam na taon, parati siyang naglalaro sa burol dahil parati siyang namamana ng ibon. Sa tuwing umaga bago lumalabas ang masayang sinag ng araw ang kanyang libangan ay sa tabi ng gubat a hanggang sa tingal-in ng ang sinag ng araw na hindi matitigan ay sinasagap niya ang kaligayahang handog ng hindi maramot na parang.

Aralin 12

Kabataan ni Florante

Ang araling ito ay tungkol sa mga bagay na ginagawa ni Florante ng siya’y bata pa lamang.

Nakatira si Florante sa Krotona na isang malayang bata na nagagawa kung ano ang gusto niyang gawin, gaya ng, mamana ng mga ibon o pumatay ng mga hayop. Ang sabi niya kay Aladin kapag may nakita raw siyang hayop na tinitingala niyang malapit sa bundok, bigla raw niyang ibibinit ang pana sa busog sa minsang tudla niya ay pilit na matutuhog at kapag napatay na niya ay mag-uunahang makarampot ang kanyang mga kasama at kapag nakakapatay raw siya ay halos hindi masukat ang kanyang kaligayahan. Natutunan niya sa kanyang ama na hindi nararapat palakihin ang isang bata na laki sa layaw at puro kaligayahan ang natatamasa dahil kapag dumating ang panahon na darating sa kanyang buhay ang kasawian at kalungkutan ay hindi niya ito malulutas dahil siya’y nasanay sa kaligayahan. Sa lagay na ito ipinadala siya ng kanyang ama sa Atenas at ito ang dahilan ng pag-iyak ng kanyang ina. Sa Atenas ang nagging maestro niya ay si Antenor, lahi ng mga Pitako, ito’y mabait at marunong na isang maestro.

Aralin 13

Nahubdan ng Balatkayo

Isang buwan na hindi kumain si Florante at parating umiiyak simula ng siya’y ipinadala ng kanyang ama sa Atenas at hindi nagtagal napayapa siya dahil sa pag-aliw ng kanyang maestrong si Antenor. May nadatnan siyang isang batang madlang nag-aaral at iyon ay si Adolfo ang anak ng isang marangal na si Konde Sileno. Labing dalawang taon na si Adolfo’t si Florante naman ay labing isa pa lamang. Kilala si Adolfo bilang isang mahinhin ang kanyang ugali ay hindi magaslaw, kung lumakad ito’y laging patungo at mabinining mangusap at walang katalo, lapastanganin man siya ay hindi siya nabubuyo. Siya ang huwaran ng kanyang mga kaklase sa kabaitan. Sinabi rin ni Florante na ang katalasan ng kanyang maestrong si Antenor ay hindi mabatid ang lalim na lihim ni Adolfo at sinabi rin ni Florante na ang sabi ng kanyang ama na ang bait na hindi paimbabaw ito’y namumunga ng kaligayahan. Sa madaling salita mabigat ang loob ni lorante kay Adolfo at alam niyang ganoon din ang nararamdaman ni Adolfo sa kanya.

Isang araw natarok ang kaalaman ni Florante ang lalim ng pilosopiya, natutunanrin niya ang astrolohiya at ang matimatika. Ang pagkatuto raw niya ay parang isang himala si Adolfo raw ay naiwan sa gitna at ang maingay na tagapamalita sa buong Atenas ay gumagala-gala. Siya na ang usap-usapan mapabata man o mapatanda ay nakatalastas ng pangalan ni Florante. Nahalata si Adolfo na nagbabalatkayo lamang ng dumating ang araw ng pagkakatuwaan ng mga mag-aaral na nagbibinata, iba’t iang laro ang kanilang nisipan at sinukat nila ang galling sa sayawan na naaayon sa musika’t awit na mapakikinggan. May laro ring buno’t arnis na kinaitaan ito ng kanilang liksi’t karunungan.

Aralin 14

Nasalag ang Dagok

Ang araling ito ay tungkol sa ipinalabas na trahedya nina Florante. Si Florante ay gaganap bilang si Etyokles ang magiging kapatid ni Polinese at anak nina Edipo at Yokasta at si Adolfo naman ay gaganap bilang si Polinese ang anak nina Edipo at Yokasta at kapatid ni Etyokles. Nang isinasadula na nila ang kwento, iba ang mga pinagsasabi ni Adolfo sa kanya ay wala ito sa orihinal. Sinabihan siya ni Adolfo na inagaw raw niya ang kapurihan na dapat ay nasa kanya at sinabi rin niya na dapat lng mamatay si Florante kaya inilabas ni Adolfo ang knyang dalang patalim at balak saksakin si Florante, sa kanyang kakailag iya’y natumba buti nalang t nailigts siya ni Menandro, ang kanyang kaibigan. Pagkatapos ng pangyayaring ito hindi na nila nakita si Adolfo. Naging Isang taon pa ang pamamalagi niya sa Atenas at pinadalhan siya ng sulat ng kanyang ama upang ipaalam na namatay ang kanyang ina. Labis ang sakit na naramdaman ni Florante, dalawang oras siyang nawalan ng malay ng mabasa niya ang liham na ipinadala ng kanyang ama. Nang siya’y magkamalay naisip niya agad ang sakit at ang kanyang dalawang mata’y hindi mapigil sa pag-iyak at sabi pa niya na noong malaman niya na namatay ang kanyang ina ay pakiramdam niya pasan niya ang buong sandaigdigan at nag-iisa lamang siya sa gitna ng lumbay kaya naman ang ginawa ng kanyang maestroy inaliw siya nito

Aralin 15

Ang mga Habilin ni Antenor kay Florante

Ang araling ito ay tungkol sa mga habilin ni Anteno kay Florante papunta sa Albanya.

Dalawang buwang hindi nakatikim ng ligaya’t aliw si Florante sa Atenas simula ng malaman niyang namatay ang kanyang ina. Dumating ang ikalawang sulat ng kanyang ama at ng sabi rito ay pauuwiin na siya sa Albanya at nagpaalam siya sa kanyang maestrong si Antenor. May hinabilin sa kanya si Antenor bago siya umalis. Dapat raw siyang mag-ingat sa handa na patibong ni Adolfo at kung ang isalubong raw kay florante ay masayang mukha , mas lalo raw siyang mag-ingat at wag magpapahalata na alam ang nasa ni Adolfo upang makapaghanda siya sa araw ng digma. Hindi niya napigilan ang umiyak ay niyakap siya nito ng mahigpit at ang huling tagubilin ng kayang maestro sa kanya ay dapat raw niyang tiisin ang mga problemang naghihintay sa kanyang pagdating sa Albanya. Naghiwalay sila ng kaniyang mga kaklase at si Menandro ay labis ang pagdaralita kaya naman ng magyakapann ang dalawang magkaibigan ay hindi na nila binitawan ang isa’t isa kaya tinulutan na lamang ni Antenor na sumama si Menandro kay Florante patungo sa Albanya at silay umalis na. Nang makaraling na sila sa Albanya sinalubong siya ng kanyang ama at nagbatian silang dalawa, nadagdagan ang sakit na naramdaman ni Florante dahil sa kalagayan ng kanyang ama.

Aralin 16

Ang Heneral ng Hukbo

Nagpadala ng sulat ang lolo ni Florante na ang Krotona ay kinubkob ng mga Moro na pinamumunuan ni Heneral Osmalik ng Persya, ayon sa balita ay pangalawa ito ng prinsipeng kilala sa buong mundo. Si Aladin na hinahangaang kababayan ni Florante. Napangiti si Aladin at sinabi niya na bihira lang raw ang totoong pagbaybay ng balita at kung magkatotoo raw ito ay marami ang dagdag, madalas raw kilala ang isang tao na matapang kung ang kalaban ay takot sa kanya at sinabi rin ni Aladin na katulad lang sila ng nararamdaman ni Florante ng sakit tungkol sa kanilang pag-ibig. Singot siya ni Florante na hindi nararapat matulad ang isnag gerero sa tulad niyang api at sa kaaway may hindi niya raw ito ninanais sa laki raw ng dusa na kanyang natatamasa.

Humarap si Duke Briseo kay Haring Linseo upang ipakilala ang kanyang anak na si Florante at ng makilala niya ito namangha ang hari at niyakap niya si Florante. Ginawa siyang heneral sa isang hukbo na dadalo sa bayan ng Krotona na sinakop ng mga Moro. Kahit labag sa kalooban ng kanyang ama ay pumayag na lamang ito at siya’y walang sagot na naisabi kundi yakapin na lamang ang kanyang magiging kapalaran sa bayan ng Albanya.

Aralin 17

Patay o Himala

Isinalaysay ni Florante kay Aladin kung paano sila nagkakilala ni Laura. Nagkakilala sila ni Laura ng siya’y inimbitahan ni Haring Linseo sa palasyo tungkol sa hukbo na kanyang pamumunuan. Nakilala niya ang isang napakagandang dilag roon at nagkwentuhan sila sa kanilang mga buhay. Sinabi ni Florante na kung hindi siya inimbitahan ni Haring Linseo na pumunta sa palasyo hindi niya makikilala si Laura at hindi siya masasaktan. Hindi niya akalain na pagtataksilan siya ni Laura at naisip niya na kung gaano ka kataas ang pagkadakila ito rin ang paglagapak kung mararapa, sinabi rin niya na inagaw raw ni Aladin ang isang gawain na nararapat ang ina niya ang gumawa ngunit sa kadahilanang sawi siya sa lahat ng bagay. Namatay ang kanyang ina na sa kaunting panahon lamang niya ito nakapiling at pinagtaksilan siya ng kanyang pinakamamahal na babaeng si Laura. Tatlong araw na pinigingan ng hari ng palasyo real si Florante.

Aralin 18

Perlas sa Mata’y Nunukal

Sa araling ito natikman ni Florante ang lalong dalamhati at ito’y higit pa raw sa naunang dalitang tiniis at pinasinungalingan niya ng lahat ng sakit dahilan lamang sa pag-ibig. Kinabukasan bago umalis ang hukbo ni Florante papuntang Krotona nakausap niya si Laura at sinabihan niya ito ng mga matatamis na salita nag buntong-hininga, luha at himutok ang matinding naramdaman ni Florante. Kahit hindi siya sinagot ni Laura ng matamis na oo may mababaon parin siya sa kanyang pakikipaglaban ang hiyang perlas na sa mata’y tumulo. Dumating na ang araw ng pag-alis ni Florante papuntang Krotona at maraming tanong ang nais ni Florante na masagot bago siya umalis tungkol kay Laura.

Dumating na ang hukbo ni Florante sa bayan ng Krotona at doon naglaban ang dalawang kampo at ito’y umabot ng limang oras hanggang sa mapagod si Heneral Osmalik at ng mapatay ni Florante si Heneral Osmalik ay parang nagluksa ang langit.

Aralin 19

Krotona’y Nagdiwang

Nang matalo ni Florante si Heneral Osmalik pumunta sila sa palsyo real at doon sinalubong sila ng kanyang lolo at mga mamamayan ng Krotona. Malaki ang pasasalamat ng mga mamamayan kay Florante dahil ang bayan raw nila ngayon ay muling nabuksan at ballot na balot ito ng kaligayahan. Nagsiakyat sila Florante sa palasyo real upang magpahinga. Tatlong araw na hindi natulog ang mga tao sa Krotona dahil sa kanilang hindi mapantayang ligaya. Sa ligaya raw nila ng kanyang nunong hari nakipagitan roon ang pagkamatay ng kanyang ina ay naungkat muli, kaya dn naniwala ang batang loob ni Florante na sa mundo’y walang lubos na katuwaan dahil sa minsang ligayang nararamdaman may mga problema parin ang mapagdadaanan. Limang buwang nanatili si Florante sa Krotona at nagpilit bumalik sa Albanya. Sa kanilang paglalakad parang hindi siya mapalagay, parang nais na niyang makarating agad sa Albanya.

Aralin 20

O, Sintang Florante

Nang dumating ang hukbo ni Florante sa bayan ng Albanya, nakita nila ang pulutong ng mga Moro. May nakita siyang isang binibini na nasa kamay ng mga Moro at ito’y nakagapos at pakiramdam nila ito’y pupugutan ng ulo. Ang puso ni Florante ay lalung naipit ng lumbay dahil nangangamba siya na ito’y si Laura. Hindi niya napigilan ang kanyang galit na nararamdaman at agad nilang nilusob ang mga Moro ang ibang Moro ay tumakbo kaya ng wala na siyang mapagbubuntungang galit inalis niya ang takip sa mukha ng isang binibini at tama nga ang kanyang hinala na ito’y si Laura. Kaya raw ito pupugutan ng ulo dahil hindi tinanggap ni Laura ang pag-ibig na alay ni Emir, kaya ng magtangkang gahasain ni Emir si Laura ay sinampal niya ito. Kinalag niya ang gapos na lubid sa kamay ni Laura at nahihiya pa siyang madampian ang magandang balat nito. Dito nakatanggap ng lunas ng pag-ibig si Florante ng titigan siya ni Laura at banggitin ang kanyang pangalan. Nang malaman niyang ang Haring Linseo at ang kanyang ama ay nasa kulungan agad siyang pumunta sa bilangguan ng reyno at nakita niya roon si Haring Linseo, ang kanyang ama at si Adolfo. Hindi masukat ang kaligayahan ng Hari at ng kanyang ama sa kanyang natamong tagumpay habang si Adolfo naman ay nagdadalamhati sa tagumpay na nakamit ni Florante. Ang pangimbulo ni Adolfo kay Florante ay lalung lumala ng tawagin si Floranteng tagapagligtas ng siyudad ng Krotona at ipinagdiwang pa ito ng matataas na hari sa palasyo real.

Aralin 21

Silu-Silong Sakit

Hindi dumating ng ilang buwan ang kasiyahan na natatamasa ng Albanya dahil may isang dumating na isang hukbong maninira na taga-Turkiya. Ang panganib at pag-iiyakan ay bumalik sa bayan ng Albanya lalung-lalo na kay Laura na natatakot na baka mapahamak si Florante. Sa kadahilanang inutusan siya ni Haring Linseo at siya ang napiling maging pinuno ng hukbo, hindi niya ito dapat suwayin. Natalo ni Florante ang hukbo ni Miramolin sa Etolya at nakatanggap ng sulat si Aldin na galling sa kanyang ama na siya’y pinapabalik kaagad sa ALbanya. Gabi na ng dumating si Florante sa Albanya at pumasok kaagad siya sa Reyno at nahulog siya sa patibong na inihanda ni Adolfo. Nalaman rin ni Florante na pinatay ni Adolfo si haring Linseo at ang kanyang ama at ang pinakamasakit pa nito ay ikakasal na si Laura kay Adolfo. Sa pagkabilanggo niya ng labingwalong araw naiinip si Florante sa kanyang kamatayan at gabi na noong dinala siya sa gubat at iginapos siya sa isang napakalaking puno upang doon ay makagat ng mga gumagalang hayop.

Aralin 22

Kawawang Aladin

Pagkatapos magsalaysay ni Florante, si Aladin naman ang nagkuwento tungkol sa kanyang buhay. Sinabi niyang ang kanyang sariling ama ang nakaagaw niya sa pag-ibig kay Flerida. Binalak siyang papugutan ng ulo ng kanyang ama dahil sa pag-iwan sa hukbo habang nakikipagdigma sa Albanya. Pumayag si Flerida na pakasal kay Sultan Ali-Adab upang hindi mapatay si Aladin kung kaya’t pinaalis na lamang siya ng kaharian at hindi na maaaring bumalik sa Persya.

Aralin 23

Hatinggabing Kadiliman

Habang nag-uusap sina Florante at Aladin ay may narinig silang dalawang babaing nag-uusap. Nakita nilang sina Laura at Flerida pala ang naririnig nilang nag-uusap. Nalaman nilang si Flerida ay tumakas sa pamamagitan ng pagsusuot ng damit gerero dahil hindi niya maatim na pakasalan ang ama ng kanyang tunay na iniibig. Samantalang si Laura naman ay hindi tinanggap ang alok na pagmamahal ni Adolfo kaya’t dinala siya nito sa gubat upang pagsamantalahan subalit dumating si Flerida at siya’y iniligtas.

Naging maligaya ang apat lalo na si Florante dahil napag-alaman nitong hindi nagtaksil sa kanya si Laura. Lalo silang natuwa nang dumating si Menandro at ibinalita na nabawi na nila ang Albanya.

Umuwi ang apat sa Albanya na maligayang-maligaya. Nagpabinyag sina Aladin at Flerida sa Kristiyanismo at nagpakasal. Maging sina Florante at laura ay pinag-isang dibdib at sila’y naging hari at reyna ng Albanya. Muling nagbalik sina Aladin at Flerida sa Persya at namuno sa kanilang kaharian.

~wakas ng awit~

Batay sa aking sariling pagkakaunawa, ang aklat ay ukol sa kahirapang dinaranas ng Pilipinas sa ilalim ng pamamahala ng pamahalaang Kastila, Si Florante ay kumakatawan sa mga Pilipino o mga Indiyo, ang Albanya ang Pilipinas, si Adolfo ang kumakatawan sa mga Kastila at ang Persia ang sumisimbulo sa bansang Espanya. Gayundin, si Laura ay kumakatawan kay Celia ( Maria Asuncion Rivera) at si Florante ang kumakatawan kay Balagtas at si Adolfo ay kumakatawan kay Mariano Kapule na karibal niya kay Maria Asuncion Rivera.

Ipinababatid din sa aklat na ito ang kadakilaan ng pag-ibig ng bawat mamamayan sa kanyang tinubuang lupa. Ang mga pagsubok ay malalampasan sa pinagkaisang diwa at pagkilos ng bawat isa.

Ang aklat o panitikang ito ang gumising sa Indiyo sa pang-aapi ng Espanya at nagsilbing mitsana nagpasiklab ng damdaming makabayan ng bawat Pilipino na humantong sa paghihimagsik ng mga katipunero laban sa mga Kastila

2 comments:

  1. Ok nkaka2LOng sa mga Assignment Ko Sa fIlIPiNo ahahahah YoW Je BiSh yow aSSAsIN YOW

    ReplyDelete
  2. thanks po for posting this! really helped me :) salamat talaga.

    ReplyDelete